

MBC MEDIA GROUP-DZRH OFFICIAL STATEMENT
Mariing kinukundena at lubos na ikinababahala ng MBC Media Group ang ginawang pagbabanta ni Abra congressional candidate at La Paz Mayor 'JB' Bernos sa aming DZRH provincial correspondent na si Romy Gonzales.
Nangyari ang insidente matapos i-report ni Gonzales sa multimedia platforms ng DZRH ang shooting incident sa pagitan ng mga pulis at mga armadong grupo sa Barangay Budac, Tayum, Abra noong April 21.
Kasunod nito, nakatanggap ng mensahe ang aming reporter mula kay Bernos. Tinawagan din at paulit-ulit na minura ni Bernos si Gonzales at binantaang babalikan siya.
Naninindigan ang MBC Media Group-DZRH na walang puwang ang karahasan at pagbabanta. Desidido ang MBC Media Group-DZRH na papanagutin ang nasa likod ng pagbabanta upang hindi maulit ang mga kaparehong sitwasyon na hindi katanggap-tanggap at isang pag-atake sa malayang pamamahayag.